Saturday, February 5, 2011

Bakit Labis Kitang Mahal? - Chapter One


September 28, 2010
9:00 pm
Naglalakad ang isang lalaking may dala-dalang plastic bag. Medyo may katangkaran at may kakisigan ang kanyang figure dahil sa istilo ng kanyang paglalakad. Dumating siya sa kanyang inuupahang bahay – isang bungalow-style ang kanilang bahay na ang ibig sabihin ay isang palapag lang ang kanilang tinitirhan. Pagpasok niya sa gate, sinalubong siya ng isang pusang kalye kaya sinipa niya ito.
                “Pesteng pusa naman oh?!” pamurang sinabi ni Luisito. Pumasok siya sa loob ng kanyang bahay at nadatnan niya ang kanyang anak na babae – may ginagawang assignment o research work samantala ang kanyang asawa ay may niluluto sa kanilang kalan. Nilapitan ni Luisito ang kanyang anak at kanyang kinalabit, ngunit hindi siya nito pinapansin. Kaya sa sobrang inis, nagparinig na si Luisito.
                “Lahat ba ng mga nakatira dito, mga hayop? Walang pumapansin sa’kin ah?!”sabi ni Luisito kaya sinagot na siya ng kanyang anak na babaeng si Dianne. “Ano bang gusto mo? Gusto mong kumain? Eh di maghain ka ng sarili mo.” sabi ni Dianne habang papunta sa kusina si Luisito. Tila hindi nagustuhan ni Luisito ang sagot ni Dianne.
                “Ganyan ka ba sumagot sa tatay mo?” kaya mga malulutong na salita ang lumabas mula sa bibig ni Dianne. “May kamay ka naman di ba?! O di ikaw ang magsandok ng kanin mo at ikaw ang maghuhugas! Hindi ba mahirap yun?” kaya imbis na humalik sa kanyang asawang si Elisa, sinugod niya si Dianne at binigyan ng isang matinding sampal. Namula ang pisngi ni Dianne pero parang wala lang ito sa kanya. Para siyang isang pader na walang pakiramdam. Sinubukan siyang pigilan ni Elisa.
                “Sito, tama na yan! Sige na, ipaghahain na kita…umupo ka na lang…” sabi ni Elisa kay Luisito kaya tinantanan niya ang kanyang anak. Pumunta na lang si Luisito at umupo sa upuan ng dining table habang si Dianne, parang dinaanan lang ng bagyo –parang walang nangyari at parang hindi niya naramdamang may dumamping kamay sa kanyang pisgngi.

Nang tulog na si Luisito, sinamahan ni Elisa si Dianne na hindi makatulog dahil sa ginagawa niyang homework. Batid ni Elisa ang palaging pambubugbog ng kanyang asawa kay Dianne dahil walang nararamdamang pagmamahal ang kanyang anak sa kanyang ama. Dinalhan niya ito ng isang baso ng gatas.
                “Anak, pasensya ka na at nabugbog ka na naman ng tatay mo.” sabi ni Elisa pero hindi siya pinapansin ni Dianne. “Alam kong gustong-gusto mo nang umalis dito pero wala naman tayong mapupuntahan eh. Nasa Bicol ang mga kamag-anak ko. Wala naman tayong pera para makaalis…” biglang nagsalita si Dianne.
                “Walang pera?! Pero ang galing mo namang magpautang kay Papa! Anong tawag mo dun – donasyon? Bakit ano ba siya – nasunugan?”  kaya nag-react si Elisa “Binabayaran naman ako ng Papa mo eh. Hayaan mo na anak, magtiis na lang muna tayo. Isang araw, may isang taong magliligtas sa’tin mula sa nararanasan natin ngayon, isang araw, may isang taong mag-aalis sa’tin dito sa madilim na mundong ginagalawan natin.” Kaya napabuntong-hininga na lang si Dianne at tumingin sa langit – maliwanag at bilog na bilog ang buwan na napalilibutan ng mga bituin sa langit. Magliligtas sa’min mula sa madilim na mundo? Sa edad kong ito? Hindi na ako umaasang may magliligtas pa sa’min. Kailangan ko na lang sigurong maging matapang para sa sarili ko. Kung hindi ako magiging matapang, tatapak-tapakan lang ako ng iba.

Ganito palagi ang buhay ng mag-inang Dianne at Elisa. Sa edad pa lang pitong taong gulang, natuto nang maging palaban at maging matapang si Dianne para sa kanyang sarili at sa kanyang ina. Madalas siyang bugbugin ng kanyang amang si Luisito, dahil para lang silang apoy at tubig, tubig at langis – hindi pwedeng magkasundo at hindi pwedeng magsama. Matagal nang gustong umalis ni Dianne sa kanilang bahay at iwan na lang ang kanyang ina na nagtitiis kasama ang kanyang ama, ngunit dahil sa pagmamahal niya sa kanyang ina, pinipilit niyang pahabain ang kanyang pasensya.
Palaging pumupunta sa simbahan si Dianne pagkatapos ng kanyang pagpasok sa school. Umuulan noon at madalas, wala siyang dalang payong. Pumasok siya sa loob, naghanap ng bakanteng upuan at lumuhod. Dito nag-uumpisa ang ating kwento. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nagdasal sa isang taong nakikinig sa kanya at tangi niyang kakampi – ang Diyos.
                “Lord, kailan ba talaga ako magiging masaya? Sabi niyo, igalang ang mga magulang. Pero kailangan pa bang i-galang ang mga magulang, lalong-lalo na ang tatay na nang-aabuso ng kanyang anak? Tama bang gawain yun ng isang matinong magulang? Lord, sana naman gumawa kayo ng paraan para maiba ang buhay namin.”
Nakita siya ng isang binatang nagdadasal din na nakaluhod sa hindi kalayuan sa kanyang pwesto. Nakita niyang basang-basa si Dianne kaya sinubukan niyang alukin ito ng payong. Nasa 21 years old na ang binata, medyo malusog ang pangangatawan, bilugan ang mukha, singkit ang mata, matangos ang ilong, katamtaman lang ang kanyang labi, medyo makapal ang buhok na maganda ang pagkaka-ayos. Nakasuot siya ng green polo t-shirt, maong pants at Chuck Taylor snickers na kulay white.
                “Miss, gusto mo ba ng payong? Basang-basa ka kasi eh…” sabi ng binata kay Dianne. Tinignan siya ng dalaga at inirapan. Suplada naman ‘tong babaeng ‘to. Kaya kinulit niya uli si Dianne, “Baka naman kasi gusto mo lang, masama ang magpaulan kasi baka magkasakit ka.” Muli siyang tinignan ni Dianne at pinagsabihan siya nito: “Anong paki-alam mo? Hindi ka naman siguro anak ng bumbay noh?! Masyado kang makulit!” kaya tumayo na si Dianne at umalis ng simbahan. Hindi niya napansing naiwan niya ang kanyang panyong may burda ng kanyang pangalan. Mamasa-masa pa ito nang kinuha ng binata.
                “Magkikita pa tayo…sinisiguro kong magkikita pa tayo…Dianne.” Sabi ng lalaki habang naka-ngiti. Ang kanyang mga ngiti ay maaaring pumawi ng sungit sa kahit sinong taong makakakita nito. Isang lalaking nakasuot ng polo barong na light blue, black slack pants, leather shoes at may bitbit na payong na kulay itim.
                “Sir Joseph, halika na po kayo. Tinawagan na po ako ni Sir Manuel. Pinapupunta na kayo sa opisina.” Sabi ng lalaki. Tumayo ang lalaking nagngangalang “Joseph”, sumunod sa lalaki at sumakay ng kotse na naka-park sa porch ng simbahan. Inabot ng mahigit isa’t kalahating oras ang biyahe ni Joseph papunta sa opisina. Kinuha na niya ang kanyang touchscreen cellphone mula sa kanyang leather postman bag at tinawagan ang kanyang ama na nagngangalang “Manuel”.
                “Hello…Papa, I’m sorry but I’ll be late. I’m in the middle of a traffic situation and I don’t know kung anong oras ako makakarating dyan…but rest assured na makakarating ako dyan.” Sabi ni Joseph sa kanyang kausap sa telepono.