Friday, January 14, 2011

Kambal Diwa: Chapter 8

Nag-lunch sa Cafeteria ng opisina ang apat. Doon, ikinuwento ng kambal ang tunay na nangyari sa kanilang ina – na hindi ito naglayas ngunit nagpakamatay ito. Hindi ito mapaniwalaan ng magkapatid dahil ang sabi sa kanila’y naglayas ang kanilang ina.
                “Sandali muna, bakit mo sinabi sa ibang naglayas si mama…este ang mama niyo?” tanong ni Jacob.
                “Para hindi maghinala si papa na nagpakamatay si mama – dahil sa kanya. Gusto ko siyang ma-guilty dahil sa mga kalokohan niya!” sagot ni Timothy.
                “Tumawag kayo ng ambulance?” tanong ni Manny ngunit umiling lang si Tristan.
                “Tumawag kayo ng pulis?” tanong ni Jacob ngunit umiling si Timothy.
                “Eh anong ginawa niyo? Anong ginawa niyo sa bangkay ng mama niyo?” tanong ni Jacob.
                “Inilibing namin siya – six-feet under. Actually it’s five feet under kasi hindi na namin kaya ang six-feet.” Sagot ni Timothy na ikinagulat ng magkapatid.
                “Alam niyo bang bawal yan sa Roman Catholic tradition? Dapat pinapa-bendisyunan muna ang bangkay bago ilibing.” Sabi ni Manny. Napatingin siya sa kanyang relo at nakita niyang malapit nang mag-1 pm.
                “Guys, malapit na tayong bumalik sa room.” Sabi ni Manny pero pagtingin naman nina Timothy, Tristan at Jacob sa kanilang mga cellphone ay iba ang oras.
                “Manny hindi pa naman 1 pm. 12:17 pm pa lang naman.” Sabi ni Jacob pero pagtingin naman ni Manny sa kanyang relo, 12:18 pm na at lumitaw ang mukha ni Luisa na galit na galit at naliligo ang mukha sa dugo.
                “AAARRRRGGGGGGHHHHH” sigaw ni Manny
                “Ohh…anong nangyari sa’yo’t napasigaw ka?” tanong ni Tristan.
                “May nagpakita sa’kin…isang babae…galit na galit…” sabi ni Manny kaya pinakalma siya ni Jacob.
                “Okay, sige na. Babalik na tayo sa training room okay?” sabi ni Jacob.
Tumayo ang apat at bumalik ng training room. Pagbalik nila ay andun na pala ang lahat – except kay Carla.
                “Saan ba kayo nanggaling? Kanina pa namin kayo hinihintay.” Sabi ni Edel.
                “Ano bang nangyari nung wala kami?” tanong ni Manny.
                “Kumalat na sa buong office ang tungkol sa illicit affair ng daddy nina Timothy at Tristan, with Carla. Ang management na lang ang hindi nakaka-alam tungkol dito. Kapag nalaman ‘to pati ng management, lagot ang tatay ng kambal.” Sabi ni Ronnie.
                “Ganito ha…kapag dumating si Carla, huwag tayong magbabanggit tungkol sa mga nalaman niyo about what happened sa bahay ha. Lalo na yung nalaman niyo ngayon. Mabuti nang siya na yung makakaalam.” Sabi ni Tristan.
Pumasok na sa training room si Carla at umupo na agad ang mga trainees na parang walang nangyari.
                “Okay, we will continue our discussion…” panimulang sinabi ni Carla nang magsimulang magpatay-sindi ang mga ilaw sa training room.
                “Ahhh…what’s happening here? I think something’s wrong with the electric connection…may nire-repair lang siguro…” ang relaxed na sinabi ni Carla pero mas lalo pang bumilis ang pagpapatay-sindi ng mga ilaw, pati na rin ng mga computer monitors. Nagwawala na ang mga trainees sa room.
Sinusubukang hindi mag-panic ni Carla sa mga nangyayari pero di kalaunan ay may naaaninag siyang ghostly images ng isang babaeng nakadamit na puti, naliligo sa dugo at galit na galit na nakatingin sa kanya. Sino ka ba? Habang nagaganap ang pagpapatay-sindi ay lalong lumalapit ang imahe ng babae sa kanya ngunit biglang nawala ang babae. Ngayon ay kinakabahan na siya na hindi niya namamalayan, nakaharap na sa kanyang tabi ang babae at binubulungan ng mga salitang:
                “Hindi kita patatahimikin!!! Magbabayad ka!!! Magbabayad ka!!!” kaya napasigaw si Carla sa takot at biglang bumalik sa dati ang lahat.
Nakita na lang ni Carla ang mga trainees na nasa iisang corner lang ng kwarto ngunit mas nakakagimbal ang nakita nila sa kanya.
                “Bakit ganyan ang suot niyo? Hindi naman yan ang suot niyo kanina ah?!” pagtatakang tanong ni Aldrene.
                “Bakit mo suot ang favorite dress ng nanay namin?” tanong ni Timothy.
Pagtingin ni Carla sa kanyang suot ay pati siya nagulat. Ang kanyang suot na itim na blouse, denim na blazer, black slacks, stilletos ay naging puting blouse na hanggang tuhod ang haba at puro bahid ng dugo, putik, lupa at kung anu-ano pa. Napatili si Carla kaya lumabas siya ng training room at nagpunta sa Instructor’s Room na pagpasok niya sa loob ay pinagtitinginan siya ng mga tao. Kinuha niya ang kanyang bag at lumabas uli ng room. Ngayon ay nagpunta siya ng Ladies’ Washroom para magpalit ng damit.

Natapos ang training day nina Timothy at Tristan na napakaraming nangyari – puro ka-weirdohan pero nakakakilabot. Sabay silang umuwi pero pagdating nila sa village, may nakalimutan si Tristan sa opisina.
                “Naku, may nakalimutan lang ako sa office. Babalik agad ako.” Sabi ni Tristan.
                “Pambihira naman oh…sige, hihintayin kita dito. Balik ka agad ha.” Sabi ni Timothy.
                “Sige…babalikan kita. Pangako yan.” Sabi ni Tristan.
Sumakay agad siya ng multicab pabalik sa office, na tinatahak ang mas maikling daan patungo sa opisina. Pagbalik niya, nakita niyang may kasama si Guido sa kanyang kotse, pinuntahan niya ito agad kaya nagkunwari siyang babalik sa opisina dahil may nakalimutan. Papatawid siya nang makita siya ni Guido at Carla.
                “Tristan, akala ko ba nakauwi ka na? Ano pang ginagawa mo dito?” tanong ni Guido.
                “Ahh…may nakalimutan lang ako sa office. Uuwi din ako kaagad.” Sagot ni Tristan saka bumalik sa office. Pero hindi siya tuluyang pumasok ng opisina, bagkus ay hinihintay niyang makaalis ang sasakyan. Pero makalipas ng ilang minuto, hindi pa rin umaalis ang kotse kaya lumabas na rin si Tristan.
                “Oh, nakita mo na ba yung hinahanap mo?” tanong ni Guido.
                “Hindi eh, hindi na ako tumuloy. Madilim na sa loob. Baka siguro bukas na lang.” sagot ni Tristan.
                “Sumabay ka na sa’min ng Daddy mo…” sabi ni Carla na nagpainit ng dugo ni Tristan.
                “And what makes you think na sasama ako sa inyo? At ang kapal naman ng mukha mong umupo sa pwesto ng mama ko! Malandi kang babae ka!!!” sabi ni Tristan na sinaway ni Guido.
                “Tristan! Stop it! I want you to get into the car…now!!!” galit na galit na iniutos ni Guido.
Pumasok si Tristan at umupo sa likod ng sasakyan. Habang nagmamaneho si Guido, nagkaroon ng maikling “talk show” sa kotse na kung saan, si Tristan ang host at si Carla ang nasa hotseat.
                “So, bakit sa lahat ng single, hot and gorgeous men sa kumpanya, bakit ang daddy ko pa ang pinili mo?” tanong ni Tristan.
Sinaway siya ni Guido.
                “Stop it!”
Pero dedma lang si Carla kaya sinagot na niya ang tanong ng binata.
                “He’s nice, mabait, thoughtful.”
At naging sunud-sunod ang Q&A ng dalawa.
                “And you are aware na may pamilya na siya?”
                “Ummm…no, until you and your twin enter the company.”
                “Ahh…so doon ka lang tinubuan ng hiya sa sarili mo? Nung malaman mong mga anak kami ng lalaking minahal mo ganun ba? Eh, papaano kung sabihin kong lumayas ang mother ko, dahil sa inyong pagtataksil, matutuwa ka ba?”
                “Tristan, hindi ko sinasadyang magkagulo kayo. Hindi ko sinasadyang masira ang pamilya niyo – nang dahil sa’kin.”
                “Ahhh…so, nagso-sorry ka na ganun ba? Sa tingin mo, sorry is enough para bumalik si mama?” tanong ni Tristan habang may binubunot na tali sa kanyang bag.
                “Gagawin ko ang lahat para bumalik ang mama niyo…para hindi ka na magalit sa’kin…ano bang gusto mong gawin ko?” tanong ni Carla kaya sinagot siya ni Tristan nang matindi.
                “Ang mawala ka sa’min!!!” sagot ni Tristan, sabay sakal nang mahigpit kay Carla, gamit ang taling binili niya kanina sa hardware store.
Nang makita ito ni Guido, sinusubukan niyang pigilan ang kanyang anak sa pagsakal kay Carla pero hindi niya ito magawa dahil nagmamaneho siya. Kinuha niya ang baril na nasa gilid at ipinasa kay Carla.
                “Hindi kita papatahimikin!!! Ikaw ang dahilan kung bakit nagpakamatay si Mama!!! Ikaw ang dahilan ng pagkamatay niya!!! Ngayon, bibigyan kita ng passport – on your way to the burning depths of hell!!!” sabi ni Tristan nang sinubukang itutok ni Carla ang baril sa noo ni Tristan nang pabaliktad. Nang matantsya nito ang ulo, kanyang kinalabit ang gatilyo at pumutok ang baril. Tinamaan ng baril si Tristan sa mismong noo at saka lang natigil ang pagsakal niya kay Carla. Huminto ang kotse sa isang liblib na lugar, bumaba si Carla, binuksan ang kotse at nakita niyang naghihingalo na si Tristan.
                “Hindi ko kayo patatahimikin!!! Babalikan ko kayong dalawa – lalong-lalo ka na!!!” sabi ng naghihingalong si Tristan saka siya binaril nang paulit-ulit ni Carla.
                “Mamatay ka na!!! Mamatay ka na!!! Mamatay ka na!!! Mamatay ka na!!! Mamatay ka na!!!” sabi ni Carla, saka humahagulgol. Nilapitan siya ni Guido at niyakap.
                “Don’t worry, walang makakaalam nito.”

No comments:

Post a Comment