December 2, 2010
2:55 pm
Nalalapit na ang Kapaskuhan, kaya marami na ang mga nagdadagsaan sa mga malls, tiangge, at mga bazaars. Mga batang gustung-gustong magkaroon agad ng regalo – kahit October pa lang at ilang araw pa ang hihintayin bago mag-Pasko.
Isa sa mga ito si Sandra, isang Call Center Agent na imbis nasa bahay at nagpapahinga, nakikipagsiksikan sa mga bazaars na organized ng kanilang kumpanya. Mahahalata mong asensadong tao si Sandra dahil sa kanyang pananamit – nakasuot ng isang one-piece off-shoulder bronze blouse, high heels, may bitbit na clutch bag at isang shopping bag. Pinuntahan niya ang isang store na nagtitinda ng mga accessories. Nakita niya ang isang bracelet na multi-colored ang mga beads. Tinanong niya ang tindera.
“Miss, magkano ‘tong bracelet?” tanong ni Sandra.
“Ahh, yan? Mga 550 pesos.” Sagot ng tindera.
Sinubukang tawaran ni Sandra ang tindang bracelet. Sana, makatawad ako.
“Miss, hindi ba pwedeng 500 na lang? Magpa-pasko pa naman eh. Sige na miss…” sabi ni Sandra pero hindi pumayag ang tindera.
“Miss, mura na nga yan eh. Last price na ang 500.” Sabi ng tindera. Wag na nga lang. Akala mo naman, kung gaano kaganda ang binibenta niya, ang papangit naman!
Hindi na binili ni Sandra ang bracelet. Umalis na siya ng tindahan para maghanap ng ibang store nang may makita siyang isang taong familiar sa kanya. Isang lalaking nasa 5’11” ang height, medyo average ang body type, nakasuot ng white polo shirt, maong pants and rubber shoes. Maamo ang mukha, maayos ang pagkaka-suklay ng buhok. Medyo pahaba ang mukha, matangos ang ilong, medyo makapal ang mapula niyang labi.
“Si Timothy yun ah…” sabi ni Sandra. Sinundan niya si Timothy, kung saan siya pupunta. Kung saan-saan dumaan si Sandra upang masundan si Timothy pero hindi pa rin masundan ito. Hanggang sa makalabas na siya mismo ng bazaar area. Ang Company Bazaar ay ginaganap sa isang Mall Complex.
“Ibig sabihin, andito lang siya? Anong ginagawa niya dito?” tanong ni Sandra sa kanyang sarili. Palinga-linga sa Sandra sa pagtingin, kung nasaan na si Timothy nang bigla niyang makita ito sa kabilang bahagi ng kalsada. Nakatayo lang ito at tinitignan siya, parang walang pakiramdam.
“Timothy? Timothy!!! Sandali lang…” sabi ni Sandra, habang papatawid siya ng kalsada nang hindi niya namamalayan na may paparating palang ten-wheeler na delivery truck. Nahagip ng truck si Sandra, tumalsik ang kanyang katawan sa kalsada na naliligo sa dugo at lasug-lasog ang katawan. Naging sentro ng atensyon ang nangyaring aksidente.
“Anong nangyari dyan? Ang tanga naman ng babaeng ‘to…” sabi ng isang usisera.
“Wag ka namang ganyan. May binabangit siyang pangalan kanina eh…Timothy…Timothy daw?” sabi ng isa pang usisera.
“Sino naman yung Timothy na yun?”
Puro bulung-bulungan ang mga tao, walang nakaka-alam kung ano ang nakita ni Sandra, kung totoo ang nakita niya na nagpakita sa kanya ang lalaking tinatawag niyang “Timothy”. Totoo nga kaya ang nakita niya o produkto lang ito ng kanyang imahenasyon?
No comments:
Post a Comment